-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Matagumpay na nasagip ng mga otoridad ang anim na miyembro ng pamilya at isang dayuhan matapos ma-stranded sa Malibcong, Abra, noong madaling araw ng Lunes, August 12.

Kinilala ang mga na-rescue na sina Jeff Limpin, 31-anyos; April Limpin, 30; Liezel Limpin, 33; Clint Luna, 24; Calvin Limpin, 5; Olivia Limpin, siyam na buwang gulang; at dayuhang si Julienne Van De Yver, 32, mamamahayag.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Col. Job Russel Balaquit, provincial director ng Kalinga Police Provincial Office, na nagsagawa ng search and rescue operation ang Balbalan-Philippine National Police matapos matanggap ang tawag mula sa mga biktima.

Bagama’t hindi na sakop ng Kalinga ang lugar ay minabuti ng responding personnel na ipagpatuloy ang paghahanap kung saan nadatnan ng pulisya sa bulubunduking bahagi ng Barangay Gacab ang mga biktima na basang-basa sa ulan.

Nabatid na nahirapang makaahon at hindi makaalis sa tubig baha ang sasakyan ng mga biktima na papunta sana sa Ilocos via Kalinga-Abra road.