-- Advertisements --

CEBU – Matagumpay na nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG)-Tudela sub-station ang anim na mangingisda na pumalaot sa kasagsagan ng Bagyong Dante sa Northern Cebu.

Kinilala ang mga mangingisda na sina Arturo Nipaya, 46-anyos na kapitan ng motorbanca; Jenny Agbay, 18; Ardie Dumdom, 29; Jay Michael Agbay, 26; Nestor Marcado, 26; at Petronilo de Gracia, 25, pawang residente ng Barangay Baliwagan, bayan ng Balamban, Cebu.

Base sa panayam ng PCG-Tudela sa kapitan ng motorbanca, sinabi ni Tudela, Camotes Mayor Greman “Jojo” Solante na alas-5:00 ng madaling araw kahapon nang pumalaot ang mga mangingisda ngunit biglang naputol ang propeller ng motorbanca.

Sinabayan pa ito ng paglakas ng ulan at alon hanggang sa hindi na raw umano matanaw ng kapitan ang mga isla o kahit ano mang baybayin.

Dito na nagpalutang-lutang ang grupo kung saan nagpapadala na lang sa agos ng tubig at napadpad sa baybayin ng Fr. Joseph Weirtz Bayview Park na nasa likod lang ng PCG-Tudela sub-station kung saan sila nakahingi ng saklolo.

Nabatid na rehistrado sa PCG-Toledo ang FBCA Roldan, at dahil sa insidente ay nalaman ni Mayor Solante na walang permit galing sa local government unit ang mga ito na makapangisda sa municipal waters ng nasabing bayan.

Gayunman, bibigyan diumano ng konsiderasyon ng alkalde ang mga nailigtas na mangingisda dahil sa aksidente na dinanas ng mga ito.