-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Personal na ini-award ni Pol. B/Gen. Gilberto DC Cruz, regional director ng Police Regional Office (PRO)-13, ang sako-sakong bigas at salaping cash bilang reward sa anim na mangingisda na nakarekober sa bloke-blokeng floating cocaine sa baybayin sa iba’t ibang bayan ng Dinagat Islands.

Itinaon ang awarding sa blessing at turnover ceremony ng bagong Dinagat Islands Police Provincial Office na nasa Camp Local Hero Ruben B. Ecleo Sr., sa Sitio Ering-Ering, Barangay Wilson sa bayan ng San Jose.

Kasama sa mga naparangalan si Gonie Curada na siyang nakakita ng 36 bloke ng cocaine noong Pebrero 12 sa baybayin ng Sitio Habongan, Barangay Poblacion sa bayan ng Cagdianao.

Sinundan ito nina Clyde Cabe, Benito Cabantoc, Clark Cabe at Joselito Balbuena, na nakarekober sa pitong bricks ng cocaine sa karagatan ng Barangay Helene sa bayan ng Loreto noong Abril 23; at Jovie Cabantoc, na nakarekober naman ng isang brick ng cocaine sa Sitio Pinamatayan, Barangay Helene, Gibusong Island, Loreto kina-umagahan.

Ayon kay B/Gen. Cruz, ang mahigpit nilang kampanya laban sa iligal na droga ang dahilan kaya mahigpit din ang kooperasyon na ibinigay ng mga tao sa kanila lalo na ng mga mangingisdang makakakita ng bloke-blokeng cocaine.

Babala ng PRO-13 sa mga Caraganons na nasa coastal areas ng rehiyon na agad na i-alerto o kaya’y i-report ito sa pinakamalapit na police station.