Inaprubahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang isang mosyon upang ipa-subpoena ang anim na opisyal ni Vice President Sara Duterte na hindi humaharap sa imbestigasyon kaugnay ng iregularidad sa paggamit ng pondo.
Ipina-subpoena ng komite na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua sina Atty. Zuleika Lopez, ang chief-of-staff ni VP Dutuerte; Atty. Lemuel Ortonio, ang Assistant COS ng Office of the Vice President (OVP); Atty. Rosalynne Sanchez, ang OVP Director for Administrative and Financial Services; Gina Acosta, ang OVP Special Disbursing Officer; Juleita Villadelrey, ang OVP Chief Accountant: at si Edward D. Fajarda, dating DepEd Special Disbursing Officer na nasa OVP na ngayon.
Kaya naghain ng mosyon si Bukidnon Rep. Keith Flores said, “Mr. Chair, I move that we issue subpoena ad testificandum to the persons named by the Comsec those who were issued show cause orders.”
Sa nakaraang pagdinig ay naglabas na ng show-cause order ang komite laban sa anim na opisyal upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dumalo sa mga naunang imbitasyon ng komite.
Iniimbestigahan ng komite ang iregularidad umano sa paggamit ng P125 milyong confidential fund ng OVP noong 2022, kung saan P73 milyon ang sinita ng Commission on Audit (COA).
Ang P125 milyong pondo ay ginastos mula Disyembre 20 hanggang 31, 2022 o sa loob lamang ng 11 araw.
Inatasan din ni Chua ang secretariat na makipag-ugnayan sa Bureau of Immigration at Department of Justice para sa pagpapalabas ng lookout bulletin order laban sa anim na opisyal.
Natalakay sa pagdinig ang papel ni Lopes at iba pang opisyal sa paggamit ng pondo ng OVP.
Iginiit ng mga kongresista ang kahalagahan na maging malinaw kung saan napunta ang pera ng taumbayan at ang pagkakaroon ng pananagutan ng mga opisyal sa maling paggamit nito.