Target ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na makalikha ng 6 million housing units hanggang sa katapusan ng termino ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para matugunan ang housing needs sa bansa.
Ayon kay Housing Assistant Secretary Avelino Tolentino, layon nilang maabot ang production rate ng nasa 1 million housing units kada taon para sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino program mula sa dating 200,000 units na ipinapamahagi kada taon.
Batay sa data mula sa Philippine Statistics Authority sa pagitan ng taong 2017 at 2022, ayon kay Tolentino na ang Pilipinas ay nangangailangan ng bahay na aabot sa 6.5 million units.
Saad pa ni Tolentino na ang pagpapatayo ng nasa 6 million housing units ay hindi lamang nakikitang solusyon sa hosuing program kundi nakikita rin ito na makakatulong sa ekonomiya ng bansa.
Ang pondo para dito ay magmumula sa interest support sa annual fiscal spending ng gobyerno.
Ang naturang scheme din ay nakikitang makakakuha ng private capital mula sa mga bangko at government financial institutions.
Inihayag din ni Tolentino na mahalaga ang suporta mula sa local government units pagdating sa property at estate management para maabot ang naturang adhikain.
Ilang siyudad sa Metro Manila at Visayas region na aniya ang nagpahayag na bukas na makipag-partner sa ahensiya para sa nasabing plano.