BUTUAN CITY – Nagpapatuloy pa ang search and rescue operation sa anim na mga minerong natabunan sa ilalim ng lupang kanilang hinukay nang maganap ang landslide sa Brgy. Bayan, bayan ng Marihatag, Surigao del Sur.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni PCpt. Dorothy Tumulak, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-13, pitong mga minero umano ang naghuhukay ng lupa para sa gold-panning activity kung saan ang anim ay nakababa na sa lalim na 30-talampakan habang ang isa naman ay nasa bukana lamang.
Kaya naman nang mag-landslide ay kalahati lang ng kanyang katawan ang natabunan sanhi ng kanyang pagkaligtas.
Nakilala ang nakaligtas na si Nonito de los Reyes habang ang anim na iba pa ay nakilalang sina Eduardo Ubas, Jerome Lucaberte, Menard de Jesus, Jonathan Ocson, Angelito Sicup at Leo Reyes.
Susuriin pa ng pulisya ng nasabing bayan kung legal ba ang ginawang gold-panning ng mga biktima.
Napag-alamang ilang araw nang inu-ulan ang Caraga Region dahil sa low pressure area malapit sa nasabing lugar.