-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Sumuko sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) sa Camp SK Pindatun, Parang, Maguindanao ang anim pang mga miyembro ng private armed group (PAG).

Ang mga suspek ay mga miyembro ng Matalam private armed group na kumikilos sa bayan ng Pagalungan sa Maguindanao.

Ayon kay PRO-BAR regional director, police Brigadier General Eden Ugale, ang pagsukong ito ng mga miyembro ng Matalam PAGs ay malaking tulong sa sinusulong na kapayapaan sa rehiyon.

Dagdag ng opisyal, ito ay bahagi ng programa sa ilalim ng “security aspect of the normalization process of the Comprehensive Agreement on the Bangsamoro” na nakasentro sa pagbuwag sa mga armadong grupo sa lalawigan at rehiyon.

Sakop din ng programa ang mga lugar sa paligid ng BARMM region na merong mga private armed group.

Isinuko ng mga rebelde sa pulisya ang isang M1 garand rifle, isang improvised shotgun at isang improvised barrett rifle at mga bala.

Nagpasalamat si Gen Ugale sa tulong ng mga barangay at LGU officials sa bayan ng Pagalungan sa pagsuko sa anim na PAGs.

Nanawagan pa si Ugale sa mga armed lawless group na sumuko na lamang at magbagong buhay.