
(Update) BACOLOD CITY – Umakyat na sa anim ang patay habang apat ang sugatan sa pagkasunog ng pension house sa corner Gonzaga-Locsin Streets, Bacolod City kaninang madaling-araw.
Kabilang sa anim na namatay ay ang may-ari ng Java Pension House na si Christopher Java at ang 12-anyos na anak na si Miguel.
Maliban sa kanila, binawian din ng buhay ang ina ni Christopher na si Magdalena Java at ang yaya na si Ronalyn Dacallo ng Brgy. Abuanan, Bago City, Negros Occidental.
Sina Dacallo, Magdalena at Miguel ay nakitang magkatabi sa isang kwarto habang sa ibang bahagi ng pension house natagpuan ang bangkay ni Christopher.
Samantala, patay din ang duty sa front desk na si Arnold.
Ayon kay Fire Chief Inspector Publio Ploteña, fire marshal ng Bacolod, hindi nasunog ang katawan ng mga biktima at pinaniniwalaang sila ay namatay dahil sa suffocation.
Sa ngayon, hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng isa pang lalaki na kabilang sa mga namatay ngunit pinaniniwalaang guest ito.
Samantala, hindi naman bababa sa apat ang mga sugatan kasabay ng sunog ngunit maswerteng minor injuries lamang ang natamo ng tatlong pasyente na dinala sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.
Kabilang din sa mga sugatan ay ang Australian national na dinala sa Riverside Medical Center.
