-- Advertisements --

NAGA CITY – Patuloy na nagpapagaling ang mahigit sa 10 kataong nasugatan sa banggaan ng pampasaherong jeep at truck sa Barangay Bikal, Libmanan, Camarines Sur.

Napag-alaman na nadagdagan pa ang bilang ng mga binawian ng buhay sa insidente na pumalo na sa anim katao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Staff Sergeant Emy Rose Organis, tagapagsalita ng Libmanan-PNP, sinabi nitong base sa kanilang ginawang follow up investigations, nasa 22 katao ang sakay ng jeep kung saan anim ang napuruhan kasama na ang mismong driver habang sugatan namang isinugod sa iba’t ibang ospital ang nasa 16 katao.

Ayon kay Organis, nakalabas na rin ang iba sa mga ito, habang patuloy na ino-obserbahan ng kalagayan ng iba.

Kung maaalala, nanggaling sa swimming excursions ang mga biktima na haros magkakapamilya lamang ngunit pagdating sa naturang lugar, kinain umano ng jeep ang linya ng kasalubong na truck na naging dahilan sa pagbanggaan ng mga ito.

Nabatid na lango raw sa alak ang driver ng jeep nang manyari ng aksidente.