Nakatakda muling magsagawa ng panibagong military exercises sa bansa na dadaluhan ng mga sundalo mula sa ibang bansa tulad ng United States, Japan, South Korea, the United Kingdom, at Australia.
Ito ay ang Kaagapay ng Mga Mandirigma ng Dagat (KAMANDAG) 08 – 24 Exercises na nakatakda mula Oct. 15-25.
Ayon sa Philippine Marine Corps (PMC), makakasama nila sa naturang exercise ang US Marine Corps, Japan Ground Self-Defense Force, Republic of Korea Marine Corps, United Kingdom Royal Marine Commandos, at Australian Defense Force.
Ang Kamandag Exercise ay bahagi ng mga aktibidad ngayong taon sa pagitan ng Pilipinas at US na unang inaprubahan ng Mutual Defense Board – Security Exchange Board na binubuo ng Philippine at US security officials.
Magsisilbing pangunahing venue ng training ang mga lugar na sakop ng Northern Luzon Command, Western Command Joint Operational Areas, at ilang piling lugar sa Manila at Cavite.
Sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas ang Armed Forces of the Philippines na kabuuang bilang ng mga sundalong lalahok dito.
Kabilang sa mga training at simulation na isasagawa sa ilalim nito ay ang live fire, amphibious assault, raid, counter-landing exercises, humanitarian assistance and disaster relief, at iba pa.