-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Anim na panibagong mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Figthers-Bungos Faction ang sumuko sa Alpha Company Base ng Army’s 33rd Infantry Battalion, sa Barangay Mileb, Rajah Buayan, Maguindanao.

Kinilala ang mga sumukong rebelde na sina Naldo Balabay, Nashrudin Kanapia, Abil Kusain, Dok Adam, Alamansa Manampad at Antok Pendatun.

Isinuko rin ng mga ito ang kanilang dalang dalawang Cal. 30 M-1 Garand rifles na M-14 converted, isang improvised Cal .30 sniper rifle, isang improvised Cal. 50 sniper rifle at dalawang improvised 40mm M79 Grenade Launchers.

Dinala ang mga sumukong indibidwal sa Army’s 33rd IB headquarters para sa custodial debriefing.

Samantala, narekober naman ng pinagsanib na pwersa ng mga sundalo at mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ang dalawang Improvised Explosive Devices sa isinagawang clearing operation sa Sitio Dungguan at Sitio Dama Kayo, Barangay Kalumamis, Guindulungan, Maguindanao.

Ayon kay Joint Task Force Central commander Major Gen. Diosdado Carreon, agad namang dinala ng Army’s 7th Infantry Battalion ang mga pampasabog sa kanilang tactical command post at nakipagtulungan sa Explosive Ordnance Battalion para sa proper identification, evaluation at disposal nito.

Sa ngayon, patuloy nilang binabantayan ang lugar laban sa lawless groups sa kabila ng umiiral na community quarantine.