KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang clearing operations ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng Banga South Cotabato sa 6 na barangay na sinalanta ng buhawi kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Joseph Franco, MDRRMO Officer ng nasabing bayan, lubos na apektado ng ipo-ipo ang mga Barangay Lampari, Lambingi, Poblacion, Reyes, Rizal at Benitez.
Ayon kay Franco, naitala sa nabanggit na mga barangay ang pagkakabuwal ng mga puno ng kahoy kung saan nasa 2 bahay ang nasira.
Nasa 1.5 ektarya ng saging naman ang pinadapa ng buhawi sa Barangay Cabuling na pagmamay-ari ni Barangay Kapitan Rosendo Munar ng Barangay Yangco sa nabanggit nabayan.
Tumagal umano sa higit 45 minuto ang pananalasa ng hangin na nagresulta sa pagkasira ng mga bahay at pananim ng mga residente sa nabanggit na mga barangay.
Sa ngayon, nabigyan na ng paunang tulong ng LGU-Banga ang mga apektadong residente.