BUTUAN CITY – Kinumpirma ni PLCol Jassen Tuario, provincial chief ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG-Surigao del Norte na anim na mga Chinese nationals ang kanilang nahuli sa pag-serve nila ng search warrant sa mga nagma-manage at nagkontrola sa dalawang mga gold processing plants sa Brgy. Rizal at Brgy. Tugbungon sa Surigao City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng opisyal nga subject sa search warrants sina Paul Jake Castillo at Charlie Ong alyas Sammy Ong na at-large pa ngayon at kinasuhan na ng theft at illegal processing of minerals.
Aminado ang opisyal na temporaryong nakalaya ang nahuling mga Chinese nationals matapos makapagpyansa.
Nakumpiska mula sa nasabing mga processing plants ang mga gamit sa gold processing, mga chemicals at mga raw gold materials na nasa kostudiya na ng Mines and Geo-Sciences Bureau o MGB.
Kinumpirma din ng opisyal na may ipinakitang ID at passports ang nahuling mga Chinese nationals na namimilit na turista lang umano sila ngunit naka-bota at nasa mining area habang isinagawa ang operasyon.