KORONADAL CITY – Nakakulong na ngayon ang anim na mga indibidwal matapos maaresto sa joint military at police operation na isinagawa sa bayan ng Pikit, North Cotabato.
Napag-alaman na isinagawa ang operasyon ng Joint Task Force Central ng 7th IB at North Cotabato Provincial Field Unit ng CIDG-12 laban sa mga suspek sa Brgy. Inug-at Pikit, North Cotabato.
Ang nasabing mga suspek ay iniuugnay sa gun-for-hire, carnapping at extortion activities sa nasabing bayan at mga kalapit na lugar na kinabibilangan nina Toti Panares, 34; Ibrahim Guiamalan, 33; Jonathan Batunga, 18; Ibrahim Katogan, 20; Bohari Katogan, 20; Kus Minga, 59 anyos na mga residente ng nasabing bayan at miyembro rin umano ng isang armed lawless group.
Narekober sa posisyon ng mga ito ang dalawang M16 rifles, M1 garand rifle, homemade caliber .30 rifle, dalawang M19 pistols, hand grenade, kutsilyo, assorted magazines at mga bala.
Sa ngayon nasa kustodiya na ang mga ito ng North Cotabato PNP at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.