Hindi pa rin madaanan hanggang sa ngayon ang 6 na kalsada sa Luzon habang limitado lamang ang maaaring makadaan sa 8 iba pa matapos ang iniwalang pinsala ng nagdaang bagyo.
Ayon sa Department of Public Works and Highways, nagtamo ng pinsala ang lahat ng apektadong kalsada sa Luzon dahil sa pagguho ng lupa at pagguho ng semento bunsod ng landslide at baha.
Nakaapekto ito sa isang kalsada sa Cordillera Administrative Region, isa sa Ilocos region at 4 sa Central Luzon.
Ang mga isinarang kalsada na inilista ng ahensiya ay sa Cong. Andres Acop Cosalan Road; Vigan-Caoayan Road at Don Lorenzo Querubin; Romulo Highway, Cacamilingan Section; Paniqui-Camiling Wawa Road, Sawat Bilad Section; San Juan, Balagtas; at Panginay, Balagtas.
Limitado naman sa isang lane ang maaring madaanan ng light vehicles sa 7 road sections sa may CAR, Ilocos Region at Central Luzon.
Kabilang ang Acop-Kapangan-Kibungan-Bakun National Road; Agoo Beach Road; Junction Santiago-Banayoyo-San Emilio Road; Luna Bangar Road; Wawa Balagtas; Biñang 2nd Bocaue; Matungao, Bulacan; at San Nicolas, Bulacan.
Kaugnay nito, pinadala na ng DPWH ang quick response teams nito para mapabilis ang pagkumpuni at paglilinis sa mga apektadong kalsada para mabuksan na at matiyak na may madadaanan ang mga sasakyang maghahatid ng relief goods ng pamahalaan para sa mga nasalantang residente.