KORONADAL CITY – Nasa anim na malalaking kampo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nakubkob ng militar sa ibat-ibang lugar sa Maguindanao sa nagpapatuloy na clearing operation matapos ang sunod-sunod na engkwentro sa pagitan ng mga ito at ng government forces.
Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Baldomar, kabilang sa mga ito ang itinuturing na factory o pagawaan ng IED at baril ng mga ito sa Barangay Saniag, Ampatuan, at Sitio Bagorot, Dau Hoffer, Maguindanao.
Naniniwala si Baldomar na inabandona ng mga terorista ang nasabing mga kampo dahil sa patuloy na operasyon na isinasagawa ng mga sundalo.
Sa ngayon, umakyat na rin sa 21 ang binawian ng buhay sa mga terorista at nasa 35 na mga nasugatan sa kabilang panig, habang 8 naman sa hanay ng pamahalaan na pawing nasa maayos na kalagayan na.
Ipinaabot din ni Baldomar na sa ngayon may mahigit 5 libong pamilya pa na nasa evacuation centers sa South Upi, Maguindanao habang nasa mahigit 6 na libong pamilya naman sa iba pang munisipyo sa nabanggit na lalawigan.
Ngunit, ipinasiguro ni Baldomar na nabigyan na ng tulong ang mga Internally Displaced Persons o IDP’s sa nabanggit na lugar.