Kinasuhan na ang nasa 6 na katao matapos magdulot ng abala sa mga dumadaan sa kasagsagan ng selebrasyon ng Wattah Wattah festival o basaan noong Hunyo 24 kasabay ng kapiyestahan ni San Juan Bautista sa San Juan City.
Ayon kay Mayor Francis Zamora, sa mismong araw ng kapistahan, 6 ang naaresto at nakasuhan at 1 dito ay sangkot sa umano’y paghagis ng muriatic acid.
Saad pa ng alkalde na kaniyang personal na sinamahan ang isa sa mga biktima sa paghahain ng reklamo sa Prosecutor’s office na sinampahan ng unjust vexation, malicious mischief at slander.
Samantala, bilang tugon ng pamahalaang lungsod sa napaulat na harassment at abala, sinabi ni Mayor Zamora na gagawa ng ilang adjustments ang city government para sa selebrasyon ng naturang piyesta.
Una rito, taunang isinasagawa nga ang Wattah Wattah festival tuwing lunes, Hunyo 24 kung saan parte ng selebrasyon ang tradisyunal na basaan.
Subalit ilang mga residente ang gumagawa nito sa labis na paraan na nakakaperwisyo na sa mga dumadaan sa lugar.