Pinag-iingat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang publiko matapos magpositibo sa nakakalasong red tide ang 6 na mga lugar sa bansa.
Sa inilabas na Shellfish bulletin No. 8 ng ahensiya, ang mga shellfish na nakolekta mula sa sumusunod na lugar ay nagpositibo sa Paralytic Shellfish Poison na lagpas sa regulatory limit.
Kabilang dito ang baybayin ng Milagros sa Masbate, San Pedro sa Samar, Matarinao Bay sa Eastern Samar, baybayin ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol, Dumanquilas Bay sa Zamboanga del Sur at sa baybayin ng San Benito sa Surigao del Norte.
Kayat lahat ng shellfish at alamang na makukuha mula sa nabanggit na mga lugar ay hindi ligtas na kainin.
Subalit ang mga isda, pusit, hipon, at alimango mula sa nasabing mga lugar ay ligtas para sa human consumption basta’t sariwa at nahugasang mabuti at natanggal ang mga hasang at bituka bago lutuin.