(Update) KORONADAL CITY – Nauwi sa trahedya ngayong Semana Santa ang family outing ng isang pamilya na sakay ng pampasaherong van matapos na masangkot sa aksidente sa daan sa Esperanza, Sultan Kudarat kung saan nakasalpukan nito ang isang cargo truck ng J&T Express na nagresulta sa pagkamatay ng anim na indibidwal at pagkasugat naman ng siyam na iba pa.
Ito ang iniulat ni Ms. Nory Joy Amular, kamag-anak ng mga biktima sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang mga nasawi na sina Nora Amular, 48; Lilibeth Gepolungca Amular, 52; Roger Amular, 48; Dhen Allen Amular, 10; Ricky Gepolungca, 45, at Khyn lester Gepolungca, 15, na pawang mga residente ng Barangay Dukay, Esperanza, Sultan Kudarat.
Habang ang siyam na mga sugatan ay agad dinala sa pinakamalapit na ospital kabilang na ang driver at pahinante ng cargo truck.
Ayon kay Nory Joy, pauwi na sa kanilang lugar mula sa General Santos City matapos mag-night swimming ang mga biktima nang pagdating sa bahagi ng boundary ng Dukay at Laguinding sa bayan ng Esperanza, Sultan Kudarat ay nakasalubong ng mga ito ang humaharurot na cargo truck.
Hindi na umano nakaiwas pa ang driver ng Van kaya’t nagkaroon ng head on collision ang dalawang sasakyan.
Sa bilis ng dalawang ng mga ito at sa lakas ng impact ng salpukan ay halos wasak ang harapang bahagi ng van gayundin ang cargo truck.
Dead on the spot ang tatlong sakay ng van kabilang na ang driver habang namatay naman sa ospital ang tatong iba pa.
Sa ngayon, ay umaapela ang pamilya ng mga biktima na harapin ng J&T express ang responsibilidad sa mga nasawi at nasugatan.
Kasabay nito, nananawagan din ng tulong ang pamilya ng mga biktima sa pagpapalibing sa mga ito at gastos na rin sa ospital sa mga patuloy pa na ginagamot sa ngayon.
Nagpaalala naman ang mga otoridad sa Esperanza, Sultan Kudarat na mag-ingat ang lahat ng mga motorista lalo na sa mga nagmamaneho ngayong Holy Week.