Umaabot sa anim na malalaking proyekto ng pamahalaan ang inaprubahan sa ginanap na National Economic and Development Authority (NEDA) board meeting sa Malacanang.
Kabilang dito ang P11.42 billion Philippine Fisheries and Coastal Resiliency o FISHCORE project ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Layunin nitong paghusayin ang pangangasiwa ng fishery resources at palakasin ang value of production ng sektor ng pangisda sa mga piling fisheries management areas.
Inaprubahan din sa board meeting ang hiling ng Department of Transportation (DOTR) na paggamit ng savings, pagpapalit ng scope, at loan validity extention para sa maritime safety capability improvement project phase 1.
Sa ilalim ng proyekto bibili ng 10 multiple role response vessels para palakasin ang kapabilidad ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pagresponde sa panahon ng coastal maritime incidents.
Aprubado rin ang hiling na 19-month loan validity extension para sa new communications, navigation, surveillance at air traffic management systems development project.
Saklaw ng proyektong ito ang konstruksyon ng manila atm automation system at manila atm center building sa Pasay City at paglalagay ng communications and surveillance equipment sa sampung radar sites.
Sa panig ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay inaprubahan ng board ang request ng ahensiya na palawigin pa ng 12 buwan ang pagpapatupad ng validity of loan para sa Samar Pacific Coastal Road Project.
Saklaw ng proyekto ang konstruksyon ng 11.30 kms na unpaved section ng Samar Pacific Coastal Road at konstruksyon ng tatlong tulay.
Inaprubahan din ang hiling na palitan ang scope ng paggawa, pagtataas ng halaga at re-allocation ng contingency cost sa civil works category para sa integrated disaster risk reduction and climate change adaptation measures sa mga mababang lugar ng Pampanga Bay Project.
Layunin ng proyekto na magkaroon ng mahusay na drainage system, maiwasan ang pagkasira ng mga ari-arian dulot ng baha at mapahusay ang kalakalan at mga aktibidad sa mga munisipalidad ng Macabebe, Masantol, Minalin at Sto. Tomas sa probinsiya ng Pampanga.
Samantala, inaprubahan din ng komite ang hiling na pagpapalit sa scope ng Philippine Competition Commission capacity building sa competition project.
Ito ay pangmatagalang capacity building plan para suportahan ang kapasidad ng komisyon at iba pang ahensiya ng pamahalaan.