-- Advertisements --

CEBU CITY – Ligtas na nakauwi ang anim na mangingisda sa kani-kanilang tahanan matapos maiulat na nawawala.

Itinuring na mga survivors ng mga malalaking alon at malakas na hangin ng Bagyong Paeng ang nasabing mga indibidwal.

Abot sa langit ang kaligayahan ng mga kamag-anak ng nasabing mangingisda.

Ikinatuwa naman ni Tudela Mayor Jojo Solante na ligtas na pagbabalik ng dalawang mangingisda na naiulat na nawawala kahapon.

Nasiraan umano ang makina ng isa sa kanila kaya naman tinulungan sila ng isa kaya naantala ang kanilang pag-uwi.

Samantala, ang apat pang mangingisda na naiulat na nawawala simula kagabi, ay ligtas namang naanod sa pampang.

Samantala, hindi bababa sa 61 pasahero ang na-stranded sa loob ng local government unit-operated passenger terminal building sa Hagnaya Port, San Remigio, hilagang Cebu noong Biyernes, Oktubre 28, 2022, dahil sa pagkansela ng ilang biyahe sa dagat dahil sa Tropical Storm (TS) Paeng.

Sa hiwalay na advisory, nagpatupad din ang Coast Guard Station Camotes ng pansamantalang pagsususpinde sa paglalakbay ng lahat ng uri ng barko o water crafts mula sa Camotes Group of Islands patungo sa mainland Cebu Province at Leyte anuman ang tonelada, bilang isang maagang hakbang upang maiwasan ang mga aksidente sa dagat.

Bukod sa mga sea trip, kinumpirma ni Edilyth Maribujoc, ang tagapagsalita ng Mactan-Cebu International Airport, na may ilang flights na ang nakansela kabilang na ang biyahe papunta at pabalik ng Cebu, Siargao at Camiguin.

Kanya-kanya naman na naglabas ng mga anunsyo ang mga munisipalidad at lungsod upang ipaalam sa kanilang mga nasasakupan ang pagsususpinde ng mga klase.