-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ligtas na ang lagay ng anim na mangingisda matapos na masagip ng mga tauhan ng Philippine Navy mula sa tatlong araw pagpalutang-lutang sa bisinidad ng Philippine Rise.
Nabatid na nakasagupa ng fishing vessel na may markang MR. KUPIDO ang malalaking alon sa karagatan dahilan upang masira ito at paunti-unting lumubog.

Agad namang rumesponde ang BRP Andres Bonifacio na nasa ilalim ng operation control ng Naval Forces Southern Luzon, matapos na matanggap ang impormasyon tungkol sa bangkang pangisda.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lt. Regeil Gatarin, director ng NAVFORSOL Public Affairs Office, halos kalahati na ng sasakyang-pandagat ang nakalubog at halata na rin ang pagod at puyat nang makita ang mga ito.

Kinilala ang mga mangingisda na sina Jayson Buheda, 36, boat captain; Legazpi Villanueva, 71; Christopher Querez, 45; Mario Burod, 50; Armando Mise, 53; at Tony Reyes, 51 na pawang residente ng Atimonan at Real, Quezon.

Binigyan na rin ng pagkain, gamot at damit ang mga mangingisda.

Samantala, nananatili pa sa BRP Andres Bonifacio ang mga na-rescue habang inaayos ng mga navy personnel ang bangka ng mga ito.