TACLOBAN CITY – Aabot sa anim na menor de edad ang na-rescue ng mga sundalo mula sa isinagawang operasyon sa Sitio Utap, Brgy. Canlampay, Carigara, Leyte.
Ayon kay BGen. Zosimo Oliveros, commander ng 802nd Infantry Brigade, Philippine Army at platoon leader mula sa Alpha Company ng 93rd Infantry Battalion, na una munang nagsagawa sila ng pursuit operation laban sa NPA leader na si Edencio Dionaldo o kilala sa alyas na si Bernie Bates.
Nang puntahan nila ang bahay ng suspek ay hindi nila nito nadatnan bagkus ang mga anak lamang nito na mga menor de edad at isang 21-anyos ang naabutan.
Laking gulat din ng mga otoridad nang tumambad sa kanila ang iba’t ibang kalibre ng baril, explosives, improvised dry cell-powered detonator, revolutionary textbooks, mga manual sa paggawa ng pampasabog at marami pang iba.
Nakatakda namang sampahan ng mga otoridad ng kaso na paglabag sa illegal possession of firearms, ammunition, and explosives si Dionaldo kasama ang asawa nito at 21-anyos na anak.
Muli namang nanawagan si Oliveros sa mga lokal na opisyal na maging aktibo sa paglaban at hindi pabayaan ang nagpapatuloy na iligal na aktibidad ng rebeldeng grupo.