LEGAZPI CITY — Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) na may ilang armas maliban sa personal na gamit ang nadamay sa nangyaring sunog sa Philippine Army Detachment ng 83rd Infantry Batallion sa Barangay San Andres, Catanduanes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay F/Insp. Danilo Tayobana, ang marshall ng San Andres Fire Station, nasunog ang anim na military barracks kung saan tinatayang aabot sa mahigit P20,000 ang naitalang pinsala.
Ayon kay Tayobana, umabot pa sa second alarm ang sunog na naideklarang fire out matapos ang mahigit isang oras.
Salaysay pa ng fire marshall, nadamay sa sunog ang mga armas ng mga sundalo dahil sa nakitang totally burned na long firearms.
Maliban dito, may pumutok din umanong granada kung kaya hindi na nakalapit pa ang mga militar.
Tinitingnan namang anggulo ng BFP-San Andres sa dahilan ng sunog ang problema sa supply ng ouryente sa lugar kung saan madalas ang brownout.