Inilagay sa immigration lookout bulletin (ILBO) ang anim na opisyal sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at dating education official.
Pinirmahan na ni Justice Secretary Crispin Remulla ang ILBO laban kina OVP chief of staff Zuleika Lopez, assistant chief of staff at bids and awards committee chairman Lemuel Ortonio, administrative and financial services director Rosalynne Sanchez, special disbursing officers Gina Acosta at Edward Fajarda, chief accountant Julieta Villadelrey at dating Department of Education (DepEd) assistant secretary Sunshine Charry Fajarda.
Ang nasabing mga indibidwal umano ay makailang beses na tinatanggihan ang subpoenas ng House committee on good government and public accountability na nag-iimbestiga sa umanoy hindi tamang paggasto ng pondo ng OVP at DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Ang ILBO ay nag-aatas sa mga immigration officers na ialerto ang mga otoridad kapag ang mga ito ay umalis sa bansa pero hindi ito pipigil sa kanila na umalis.
Tanging ang hold-departure order at warrant of arrest na inilabas ng korte ang maaring makapagpigil sa akusado na makaalis sa bansa.
Una ng nagpaliwanag ang OVP na ang chief of staff na si Lopez ay umalis sa bansa para sa personal na biyahe nito at ito ay aprubado ng Vice President kung saan nakatakda itong bumalik sa bansa sa Nobyembre 16.