CENTRAL MINDANAO-Umakyat na sa anim ang bilang ng mga nasawi at 13 ang nasugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa lalawigan ng Maguindanao Del Norte.
Kinilala ang mga nasawi na sina Unasan Kaul, driver ng van mula sa Guindulungan Maguindanao del Sur, kanyang mga pasahero na sina Norhaimin Baladek at Manaut Guialudin, pawang mula sa General SK Pendatun Maguindanao del Sur.
Patay din sina Kaidu Manalasal at Mamakong Salimbao na dinala sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City na mga sakay din ng van.
Dead on arrival din sa CRMC ang driver ng Toyota pickup na si Bomber Gani.
Mayroon ding 13 katao na ginagamot sa CRMC na nasugatan sa aksidente.
Ibinunyag ni Maguindanao Police Provincial Director Colonel Roel Sermese na ang van ay nagmula sa General SK Pendatun patungong Lanao Del Sur para dumalo sa family reunion.
Galing sa Lanao Del Sur ang pickup patungong South Cotabato ngunit pagdating sa Sitio Gubat Barangay Makir Datu Odin Sinsuat Maguindanao Del Norte ay nangyari ang aksidente.
Tatlo sa mga biktima ang dead on the spot na naipit at tatlo ang binawian ng buhay sa CRMC habang 13 ang sugatan.
Sinabi ng mga sibilyan na nakatira sa gilid ng national highway na napakabilis ng takbo ng pickup kaya bumangga ito sa van at nadamay pa ang payong-payong na traysikad.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng Datu Odin Sinsuat PNP ang madugong aksidenteng kinasangkutan ng tatlong sasakyan.