Patuloy sa pag-akyat ang bilang ng mga casualties at sugatan sa nangyaring lindol kagabi sa Surigao City.
Iniulat ngayon ni Mary Jul Escalante, information officer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Surigao del Norte, umaabot na sa anim katao ang patay at nasa 126 ang iniwang sugatan dahil sa pagyanig.
Pinakamarami sa mga isinugod na sugatan ay sa Caraga Regional Hospital.
Ang mga pasyente rin ay pansamantala munang inilagay sa parking space dahil sa pagkakaroon ng bitak ng ilang mga gusali.
Ang nasabing bilang ay ang mga earthquake-related cases na dinala lamang sa ospital.
Pero sinasabing mas marami pa ang sugatan na mga residente na minabuting ‘wag na lamang tumungo sa mga pagamutan.
Tuloy-tuloy pa rin naman ang pagkakaroon ng mga aftershocks.
Ang pag-akyat ng bilang ay sa gitna na rin ng patuloy na paglilibot ng mga medical teams at assessment teams ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang mga lugar na naapektuhan ng paglindol.
Una nang sinabi ni Surigao del Norte Gov. Sol Matugas na nasa “state of chaos†pa ang kanilang lugar at ang mga tao ay nasa “state of shock.â€
Bukas nakatakdang mag-convene ang PDRRMO at konseho upang pormal na ideklara ang state of calamity.
Iniulat mula sa Surigao ni Bombo Kevin Linaac na layon nang pagsasailalim sa state of calamity ay para mapabilis din ang paglalaan ng lokal na pondo na kinakailangan.
Samantala, kanselado na ang pasok sa mga paaralan sa sunod na linggo sa buong Surigao City dahil sa epekto ng 6.7 magnitude na lindol.
Sakop ng kautusan ang mga pampubliko at pribadong paaralan.
Ayon kay CDRRMC vice chairperson at city Vice Mayor Alfonso Casurra, layunin ng kanselasyon ng klase na maiiwas ang mga mag-aaral sa mga istraktura ng paaralan na naapektuhan din ng pagyanig.
Ipinag-utos din ng city government ng Surigao ang tuluyang pagpapasara ng mga istrakturang nagkaroon ng malaking pinsala.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Surigao City PIO Annette Villaces, lahat ng nakitaan ng malaking bitak ay iabandona na ng mga naninirahan.
Layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng mga residente at makaiwas sa pagguho ng gusali.
Habang ang may kaunting pinsala lamang ay sasailalim sa ilang pagsusuri upang masubukan ang tibay nito bago muling pahintulutan ang mga tao na makalapit at makapasok sa mga ito.
Liban sa maraming bahay na nakitaan ng cracks at ospital, marami ring mga imprastraktura ang nagkaroon ng bitak tulad ng ilang kalsada, mga paaralan, runway ng airport, ilang tulay, malls.
Kinumpirma ni Surigao City Airport manager Junelito Abrasado na suspendido na ang mga flights papasok at palabas ng Surigao airport dahil sa dami ng mga cracks sa kanilang runway.
Aniya, delikado raw ito sa mga eroplano maliban lamang sa helicopters na maaari pa ring makapag-landing.
Wala pa rin namang suplay ng koryente sa malaking bahagi ng lungsod.