Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang anim na Pilipinong nagpanggap na mga turista palabas ng bansa para magtrabaho sa illegal gambling establishments sa Bangkok, Thailand.
Ayon sa BI, sa naging inisyal na testimoniya ng naharang na limang pasahero na lehitimo silang turista na magtutungo umano sa ibang bansa para magbakasyon subalit napansin ng immigration officers na ilang hindi magkakatugmang pahayag ng mga ito kabilang na ang tungkol sa kanilang basic information sa kanilang pagbiyahe at relasyon sa isa’t isa.
Isa ding babaing pasahero ang naharang sa kaniyang flight patungong Singapore matapos aminin sa immigration officers sa NAIA Terminal 3 na na-recruit ito para sa magtrabaho sa isang offshore gaming company sa Thailand at pinangakuan na makakatanggap ng sahod na $1000 o katumbas ng P 54,401.50 kada buwan.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang naturang mga report ay nagpapakita lamang na hindi pa rin nasasawata ang recruitment ng mga sindikato sa mga Pilipino para magtrabaho sa mga iligal na online gaming operations.
Ito din aniya ang dahilan kung bakit ganun na lamang ang paghihigpit ng kanilang mga kawani sa mga paliparan sa bansa sa mga Pilipinong turista na umaalis ng bansa na may kahina-hinalang dahilan ng pagbiyahe sa ibang bansa upang hindi mabiktima ang mga ito ng trafficking syndicates.