LA UNION – Isinailalim sa iba’t ibang quarantine levels ang anim na purok sa Brgy. San Benito Sur, Aringay, La Union matapos magtala ng dalawang kaso ng COVID-19 noong Setyembre 16.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 2020-58 na inisyu ni Mayor Eric Sibuma, naging epektibo ang pagsasailalim sa quarantine levels sa mga naturang lugar, alas 6:00 nitong Biyernes ng gabi.
Ang Purok 1, 2 at Purok 3 ay isinailalim sa MGCQ level; Purok 4 at Purok 5 sa GCQ level; Purok 6 na itinuturing na critical zone ay isinailalim sa ECQ level habang ang Central Business District sa nasabing bayan at nasa ilalim ng MGCQ level.
Bahagi ito ng containment quarantine zoning plan para sa buong barangay ng San Benito Sur, na magtatapos sa Oktubre 1.
Napag-alaman ng Bombo Radyo kay Dr. Rolando Mallari, COVID-19 focal person sa bayan ng Aringay, na may mahigit 100 mga indibiduwal ang kabilang sa contact tracing ngunit nauna nang isinailalim sa swab test ang 24 dito na close contacts ng dalawang pasyente na magkapatid, at kasalukuyang nasa home quarantine.