-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Patay ang anim na studyante habang sugatan naman ang dalawa sa nangyaring aksidente sa Sitio Bunga, Catengan, Besao, Mountain Province kahapon ng hapon

Nakilala ang mga namatay na sina Rhema Sumingwa-18 yrs old; Mherley Docyogen-17; Hazel Solang- 19; Lendel Keith Alfonso-19; Dalog Kawi Mangallay- 19 anyos; at Lip-aw Aligan, 21 anyos habang ang mga sugatan ay nakilala na sina Novielyn Sagantiyoc-18 at Lander Maticyeg-17 anyos na residente ng Patiacan, Quirino Ilocos Sur

Sa inisyal na imbistigasyon ng otoridad, nahulog ang sinasakyan ng mga biktima na Green Tamaraw FX sa 100 metro ang lalim na bangin na nagresulta sa agarang pagkamatay ng anim.

Naisalba pa ang dalawa at agad ding na dinala sa pagamutan.

Sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang dahilan ng pagkahulog ng sinasakyan ng mga biktima sa nasabing aksidente.

Samantala, pinaglalamayan naman sa ngayon ang isang punong barangay, ABC president at tumatakbong konsehal ng Datakan, Kapangan Benguet kasarunod parin ng aksidenteng pagkahulog rin ng sinasakyan nilang jeep sa Baguionas, Gaswiling, Kapangan Benguet.

Nakilala itong si Jeffrey Batinay Marcelo at Punong Barangay ng Brgy. Datakan.

Ayon sa report, nagmula ang grupo ni Marcelo sa isang rally sa nasabing lugar ng biglang nawalan ng preno ang sinasakyan nilang jeep.

Maliban dito, napag alaman pang madulas ang kalsada na nagdulot ng hindi na makontrol ng driver ang manibela hangang sa mahulog ang kanilang sinasakyan

Isinugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima ngunit idineklara na itong dead on arrival habang maswerte namang nakaligtas ang lima pa nitong kasamahan.

Sa ngayon ay nasa kustudiya ng pulisya ang driver ng jeep at hindi pa tiyak kung kakasuhan ito.