-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga otoridad sa nangyaring pagbagsak ng mga bala ng mortar sa kabahayan sa lalawigan ng Maguindanao.

Una nang nakilala ang mga biktima na sina Hamdan Kusain, Mama Nano, Haris Abdulkasim, isang babae at dalawang bata na edad na anim at walo.

Nagtamo ng mga sharpnel wounds ang mga ito mula sa mortar shelling sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

mortar maguindanao

Sinabi ni Datu Salibo chief of police Captain Abdulbasit Kulod, bago umano nabagsakan ng mortar ang bahay ng mga biktima ay inatake umano ng ilang armadong BIFF ang detachment ng militar sa Zsopad Sambulawan at pinaputukan ng granade launcher.

Naggantihan ng putok ang mga sundalo at BIFF kung saan tinamaan ang mga biktima sa mga sumabog na bala ng mortar na bumagsak sa kanilang mga tahanan.

Ang mga sugatan ay dinala sa Maguindanao Provincial Hospital at Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Datu Salibo PNP sa naturang pangyayari.