BACOLOD CITY–Inireklamo ang anim na mga miyembro ng 79th Infantry Batallion ng Philippine Army matapos inakusahang magwala at manakal ng mga kustomer sa isang restobar sa lungsod ng Cadiz, Negros Occidental madaling araw ng Huwebes.
Kinilala ang mga inaresto na sina Army Corporal Louie Tamparing, 28-anyos at residente ng Poblacion Tigbao Zamboanga Del Sur; Private First Class John Anthony Jimenez, 24-anyos ng Tapaz, Capiz; Private First Class Johnny Gallano, 24-anyos ng Brgy. Lucero Jamindan, Capiz; Private First Class Mark Vargas, 25-anyos ng Brgy. Lucero Jamindan, Capiz; Private First Class Jerome Danias, 25-anyos ng Cagayan De Oro City at Private First Class Regie Rogan, 25-anyos ng Libacao, Aklan.
Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Bacolod, inireklamo sila nina Amor Ramirez, 19-anyos at Jance Dabalos, 28-anyos at parehong residente ng Purok Paradise Saromar Subdivision Brgy. Poblacion 2, Sagay City matapos na magwala sa Chiller’s Resto Bar sa Gustilo Blvd., Barangay Zone 2, Cadiz City.
Apat na caliber .45 pistol ang nakuha ng Cadiz City Police Station sa mga miyembro ng Philippine Army.
Samtantala, itinanggi naman ni Army Capt. Rowell Dairocas, Civil Military Operations Officer ng 79th IB na nagwala ang anim na mga sundalo.
Ayon dito, isinailalim lamang sa safekeeping sa Cadiz PNP ang mga miyembro ng militar dahil tumaas na ang mga boses ng mga ito sa restobar.
Kinumpirma naman ni Dairocas na naiturn-over na sa kanila ang anim na mga sundalo na haharap naman sa punishment dahil mahigpit na ipinagbabawal sa kanila na uminom sa pampublikong lugar.