Naobserbahan ang 6 na volcanic earthquakes sa bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagbuga ang bulkan ng katamtamang pagsingaw na may taas na 200 metro na napadpad sa timog-silangang direksiyon. Nananatili ding namamaga ang edipisyo ng bulkan.
Iniulat din ng ahensiya na nagbuga ang bulkan noong Linggo ng 6,477 tonelada ng asupre.
Naispatan din ang volcanic ash mula sa Kanlaon kasunod ng tuluy-tuloy na degassing mula sa summit crater ng bulkan.
Sa ngayon, nananatili sa Alert level 2 o increasing unrest ang bulkan subalit ibinabala ng ahensiya na ang aktibidad ng bulkan ay maaaring humantong sa eruptive unrest at pagtaas sa alert level.
Kayat ipinapayo sa publiko na bawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius permanent danger zone ng bulkan at pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa Kanlaon.