DAVAO CITY – Gumagawa na ngayon ng hakbang ang munisipalidad ng Manay, Davao Oriental matapos na makaranas ng outbreak ng diarrhea ang ilang mga barangay sa lugar kung saan nasa anim ang naitalang namatay.
Sa huling report, nasa 44 na mga kaso ang naitala at walo nito ang sa Barangay Guza, pito sa Barangay Central, lima sa Barangay Del Pilar at 24 sa Barangay Cayawan na siyang pinakaapektado sa nasabing lugar.
Sa nasabing bilang, 26 nito ang naka-recover sa kasalukuyan, 10 ang nasa kanilang mga bahay ngunit patuloy na inoobserbahan at dalawa ang naka-admit sa Davao Oriental Provincial Hospital sa Manay.
Samantalang dalawa sa anim na mga namatay ang nakaranas ng acute renal failure secondary dahil sa matinding dehydration.
Lahat naman ng mga pasyente ang negatibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos na sumailalom ang mga ito sa rapid antigen test.
Sinasabing food poisoning ang itinuturong dahilan ng diarrhea.
Nagsagawa na ngayon ang Provincial Health Office ng hakbang gaya ng paglalagay ng chlorine sa water source ng 350 na mga bahay.
Nagsagawa na rin ang mga health personnel ng rectal swabbing sa mga residente para malaman kung diarrhea o posibleng cholera ang naranasan ng mga residente.
Nakipag-ugnayan na rin si Provincial Health Officer II Dr. Reden Bersaldo sa Rural Health Unit para masolusyonan ang kasalukuyang sitwasyon at hindi na madagdagan ang mga naitalang namatay.