-- Advertisements --

CAUAYAN CITY– Nasugatan ang anim na tao matapos mahulog ang sinasakyan nilang SUV sa malalim na bahagi ng lansangan sa nasasakupan ng Barangay Disimungal, Nagtipunan, Quirino.

Ang mga biktima na sakay ng Isuzu Hilander ay minamaneho ni Richard Domingo, 46 anyos, may asawa, residente ng Sillawit, Cauayan City; Warlito Villanueva, 41 anyos, may-asawa, magsasaka; Alexia Villanueva, 15 anyos; Johnny Domingo, 52 anyos, may asawa , magsasaka; Analyn Villanueva, 47 anyos, pawang residente ng Sillawit, Cauayan City at sina Jayson Sablay,13 anyos; Lucas Sablay, 10 anyos na kapwa residente naman ng Dipintin, Maddela, Quirino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj Michael Alberto, hepe ng Nagtipunan Police Station na pauwi na sana ang mga biktima mula sa Palanan, Isabela ngunit nang makarating sila sa pakurbadang bahagi ng daan ay nahulog ang kanilang sinasakyan sa may lalim na 13 talampakan.

Aniya, madilim sa lugar kaya’t hindi napansin ng driver ang pakurbadang daan.

Sinubukan umanong magpreno ni Domingo subalit sa bigat ng 13 kataong sakay bukod pa sa isang kabang bigas at ilang kagamitan ay dumiretso ang sasakyan sa malalim na butas.

Agad dinala sa ospital ng mga rescue teams ng Nagtipunan at Maddela ang mga nasugatang biktima para malapatan ng lunas.