CAUAYAN CITY – Dahil sa pinaigting na operasyon ng Northern Luzon Command (NOLCOM) ay anim na nangungunang kumander ng New Peoples Army (NPA) sa Hilagang Luzon ang nadakip sa isinagawang operasyon ng mga otoridad.
Ang mga naaresto na sina Gil Peralta alyas “Elmo”, ang Kalihim ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) ay nahuli sa Barangay Mariblo, Quezon City; Irene Agcaoili alyas Ayang, Head Finance ng KR-CV; Lourdes Bulan alyas Simang, EXECOM member ng KR-CV; Arcadio Tangonan alyas Tiago, Information Officer ng KR-CV; alyas Bonel, Intelligence Officer ng KR-CV at alyas Bebang na pawang nahuli sa Barangay San Vicente, Sta. Maria, Bulacan.
Nabawi sa kanilang pag-iingat ang isang M16 rifle, tatlong cal. 45 pistol, limang anti-personnel mine, at tatlong hand grenade.
Tatlo sa mga nahuli na sina Gil Peralta, Irene Agcaoili at Lourdes Bulan ay may nakabinbing mandamiyento de aresto sa kasong murder, multiple murder, multiple attempted murder, arson at robbery.
Pinuri naman ni Major General Laurence Mina, Commander ng 5th Infantry Division Philippine Army ang kanyang tropa at nagbabalang handa ang puwersa ng pamahalaan na wakasan na ang paghahari ng mga komunistang terorista sa Northern Luzon.
Binigyang-diin naman ni Lieutenant General Arnulfo Marcelo Burgos Jr, Commander ng Northern Luzon Command, na ginagawa na nila ang kanilang panghuling hakbang at lalo pang pinaigting ang mga pagsisikap sa panloob na seguridad upang wakasan na ang puwersa ng mga rebelde sa Northern at Central Luzon.
Magugunitang noong ikalabing tatlo ng Nobyembre ay nakasagupa ng mga kasapi ng 50th Infantry Battalion ang grupo ng mga komunistang terorista sa ilalim ng Kilusang Larangang Gerilya – Baggas sa Barangay Bagtayan, Pasil, Kalinga na nagresulta sa pagkamatay ni Julio Dumalyung alyas Poli, isang regular na miyembro teroristang grupo at narekober ang isang M16 rifle, dalawang magazine assembly, 25 rounds ng 5.56mm live ammunition, transistor radio, at iba pang personal na gamit.
Binigyang-diin ni Lt. Gen Burgos na ang mga serye ng mga pag-urong ng mga NPA ay magkakaroon ng masamang epekto sa mga teroristang Komunista at lalong magpapababa sa moral ng kanilang mga miyembro na hahantong sa kanilang pagsuko
Nanawagan si Lt. General Burgos sa mga natitirang miyembro ng komunistang terorista na magbalik loob na sa pamahalaan at talikuran ang armadong pakikibaka upang sila ay matulungang magbagong buhay.