Inisyuhan ng House Good Government and Public Accountability Committee ang 6 na opisyal ng Office of the Vice President matapos hindi sumipot sa deliberasyon ng komite kaugnay sa pagbusisi sa pondo ng tanggapan.
Kabilang dito sina chief-of-staff Zuleika Lopez, sina Atty. Lemuel Ortonio, Atty. Rosalynne Sanchez, Gina Acosta, Julieta Villadelrey, at Edward Fajarda.
Nag-mosyon din si Committee chairman Manila Rep. Joel Chua para sa pag-isyu ng Immigration Lookout Bulletin Order laban sa 6 na OVP officials. Dito, inatasan ang immigration officers na alertuhin ang mga awtoridad sakaling tangkain nilang lumabas ng bansa.
Bilang tugon, nagpadala ng position paper ang OVP na nilagdaan ng 19 nitong opisyal, nanindigan ang OVP na hindi in aid of legislation ang naturang inquiry.
Nakasaad din na unneccesary o hindi kailangan ang naturang deliberasyon o pagdinig kayat hindi umano kailangan pa ang pagdalo ng mga opisyal at personnel ng OVP. Katwiran din ng mga ito na dumalo na si VP Sara sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations noong Agosto 27 para talakayin ang panukalang pondo ng OVP para sa 2025.
Pinuna din ng OVP ang kawalan ng malinaw na legislative objective o contemplated legislation na inaasahan umano bilang resulta ng mga deliberasyon.
Iginiit pa ng OVP sa kanilang position paper na mayroon umanong jurisdictional issue sa pag-imbita sa mga opisyal ng OVP bilang resource persons dahil ang may hurisdiksiyon aniya sa expenditures o paggastos ng gobyerno ay ang Committee on Appropriations na nauna ng nag-terminate ng kanilang mga deliberasyon.
Binanggit din ng OVP officials ang ruling ng Korte Suprema kung saan hindi dapat na pilitin ang resource persons na dumalo sa anumang congressional hearing at maaari itong tanggihan.
Sinabi din ng OVP na hindi ito makapagbibigay ng komento kaugnay sa mga isyu sa pondo na pending ngayon sa Korte Suprema dahil maaari aniya itong makasagabal sa pagkakaloob ng hustisiya.