-- Advertisements --
IMG20190711142717

Muling nagsampa ang Public Attorney’s Office (PAO) ng karagdagang anim na kaso sa Department of Justice (DoJ) kaugnay sa pagkamatay ng mga bata matapos umanong maturukan ng Dengvaxia.

Ayon kay PAO Chief Persida Rueda-Acosta, ang anim na kaso ay idadagdag sa ika-apat na batch ng kaso laban sa mga opisyal ng pamahalaan na isinasangkot sa Dengvaxia controversy.

IMG 20190711 134522

Sa kabuuan nasa 12 na ang naisampang kaso sa fourth Dengvaxia case.

Kabilang sa mga nagsampa ng kaso ang mga magulang nina Angelica Pulumbarit, 11 mula Bulacan; Maricel Manriza 12, Laguna; John Marky Ferrer, 11, Tarlac; Charmel Flordeliz, 10, Quezon; Jonell Dacquel, 13, Nueva Ecija at Kenchie Ocfemia, 11 na taga Makati City.

Ayon kay Acosta ang isinampang Dengvaxia case nitong hapon ay ika-44 na kaso na.

Madadagdagan pa raw ang isasampang kaso dahil nasa 142 na bangkay na ng mga bata na hinihinalang namatay dahil sa Dengvaxia ang naisailalim ng PAO sa otopsiya.

Humaharap ang mga respondent sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, torture at pag­labag sa Consumer Protection Act (Republic Act 7394).

IMG 20190711 132652

Ang mga respondent ay kinabibilangan nina dating Health Sec. Janette Garin, kasalukuyang Department of Health (DoH) Sec. Francisco Duque III, mga dati at kasalukuyang opisyal ng DoH, Sanofi Pasteur at Zuellig pharma.

Kasabay ng pagsasampa ng kaso, muli namang nagsagawa ng kilos protesta ang mga magulang ng mga batang biktima ng Dengvaxia sa harap ng DoJ.