BAGUIO CITY – Nagpapatuloy ang pagsuko sa mga otoridad ng mga bilanggo na napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Ayon sa Police Regional Police Office Cordillera (PROCor), unang sumuko si Rocky Agne Balisa, 33, at residente ng Malayugan, Flora, Apayao na may kasong homicide at napalaya noong Pebrero 2018.
Pangalawang sumuko noong Sabado si Jomer Zapatero Bayabos, 28, na na-convict sa kasong rape at nakalabas ng bilangguan noong Pebrero ng kasalakuyang taon.
Sumuko rin noong Sabado si Bonie Manuel Simon, 42, residente ng Sta. Maria, Alfonso Lista, Ifugao na may kasong rape at napalaya noong October 2017.
Boluntaryo ring sumuko ang mga convicted criminals na sina Antonio Bodina Frio, 60, na may kasong murder at frustrated murder na napalaya noong Marso; Regino Abines Buenavista, 67, may kasong rape at napalabas sa bilangguan noong Enero 2017; at si Ferdinand Morada Dulnuan, 59, convicted sa kasong rape at napalaya noong Hulyo ng kasalukuyang taon.
Umaasa ang PROCor na mas marami pang GCTA beneficiaries mula sa Cordillera ang susuko sa mga susunod na araw.