Ibinunyag ng Department of Agriculture (DA) na nakapagtala pa sila ng outbreak ng African swine fever (ASF) sa anim na karagdagang probinsya sa buong bansa.
Ayon kay DA Sec. William Dar, may na-monitor silang mga ASF outbreaks sa mga lalawigan ng Albay, Laguna, Quirino, Batangas, Quezon, at Cavite.
“Ang mga kawani ng Kagawaran ng Pagsasaka ay nandiyan in partnership with the local government units na nag-iimplement ng elevated quarantine measures,” wika ni Dar.
Batay sa pinakahuling datos mula sa kagawaran, umabot na sa mahigit 300,000 mga baboy ang kinatay sa 28 probinsya.
Upang mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit, nagpatupad ng mahigpit na movement protocol ang gobyerno sa mga pork products at sa mga buhay na baboy.
Para makatulong naman sa mga apektadong hog raisers, sinabi ng kalihim na nagbibigay ng P5,000 kompensasyon ang kagawaran para sa kada baboy na isasailalim sa culling.