-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang anim katao habang sugatan naman ang tatlong iba pa matapos ang nangyaring salpukan ng truck at van sa Tagkawayan, Quezon.

Kinilala ang mga binawian ng buhay na sina Ron Aldwin Aquino, 30-anyos; Agnes Villarosa, 29-anyos; Rommel Galupar, Sergei Victor France Reyes, 26-anyos; John Robert Diocampo, 24-anyos at si Ma. Thalia Bombales.

Habang ang mga nasugatan naman na sina Joel Badiola, 41-anyos; Raymond Froibel Cortez, 34-anyos at Fatima Beroin, 31-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki PMaj. Marcelito Platino, hepe ng Tagkawayan Municipal Police Station, sinabi nito na habang binabagtas ng truck na minamaneho ng kinilalang suspek na si Arjay Brito Redecialla, 29-anyos, residente ng Brgy Mambolo, Libmanan, Camarines Sur ang pakurbadang bahagi ng kalsad sa naturang lugar papunta sa Maynila, nang biglang mag-overtake si Aquino sa isang behikulo gamit ang minamaneho nitong van mula sa kabilang direksyon at sumalpok sa naturang truck.

Dagdag pa ni Platino kilala na rin aniya si Aquino na mabilis magpatakbo ng sasakyan at laging nag-oovertake sa mga sasakyan na nsa unahan nito.

Ayon pa dito, mayroon din umanong kausap sa video call si Aquinpo nang mangyari ang insidente kung kaya hindi na rin nito napansin ang kasalubong na truck.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na sakay sa naturang van ang mga biktima na nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.

Dahil sa impact ng salpukan ng dalawang sasakyan, agad namang binawian ng buhay sina Aquino, Bombales, Reyes, at si Diocampo, habang binawian naman ng buhay sa ospital sina Villarosa at Galupar.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.