GENERAL SANTOS CITY – Naging kalunos-lunos ang sinapit ng mga biktima sa nangyaring trahedya sa General Santos City matapos na nagbanggaan ang elf truck at tricycle sa Makar-Siguel Road Purok Cabu Barangay Tambler.
Nangyari ang disgrasya sa kalsada kasabay ng Fathers Day celebration kahapon kung saan anim ang nasawi kabilang ang isang taong gulang pa lamang baby girl at apat ang sugatan.
Pawang nagtamo ng mga pinsala sa ulo ang mga biktima.
Sa imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit(TEU), mula sa isang beach resort pauwi na sana ang tricycle na minamaneho ni Jay Cañedo, 32 yrs.old nang sumalpok ito sa elf na minamaneho ni Kurt Glen Cuivillas Gracia, 25 years old, may asawa, residente ng Purok Mabuhay, Suli, Kiamba, Sarangani Province.
Lumabas sa pagsisiyasat na mabilis ang pagpapatakbo ng tricycle na may 10 sakay at pagdating sa kurbadang bahagi ay nag-overtake ito hanggang sa nawalan ng kontrol at sumalpok sa elf.
Nakaladkad ng elf ang tricycle dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga.
Sa ngayon ay kustodiya ng TEU ang driver ng elf.
Sa panayam ng Bombo Radyo Gensan, sinabi ni Winnie Culano na hindi nito matanggap ang biglaang pagkasawi ng kanyang apo na si Jeremy Michael Culano, isang Grade 5 pupil.