DAVAO CITY – Anim katao na ang naitalang patay sa 6.9 magnitude na lindol na tumama sa Davao del sur kung saan ang bayan ng Padada ang nagtamo ng malaking danyos.
Sa ngayon ay isinailalim na sa state of calamity ang lugar.
Batay sa kumpirmasyon ng mga otoridad, apat sa mga nasawi ay nagmula sa iba’t ibang bahagai ng probinsiya ng Davao del Sur kasama na ang isang anim na taong gulang lamang na bata na namatay matapos matabunan ng kanilang gumuhong bahay.
Kinilala ang bata na si Cherbelchen Ingador na taga-Padada, Davao del Sur.
Samantala, dalawa naman sa mga namatay ay nagmula sa gumuhong building ng Southgreen Commercial building.
Sa ngayon, tinataya ng rescue team na anim hanggang pitong katao pa ang missing at pinangangambahan na na-trap sa naturang gumuhong grocery store.
Nauna na ring deneklara ni Davao del Sur Gov. Douglas Cagas ang suspension ng klase sa lahat ng mga public at private school sa kanilang probinsiya.
Aabot din sa halos 17 mga barangays sa Davao del Sur ang apektado ng lindol.