-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Labing isang araw matapos manalasa ang bagyong Odette, nakapagtala na ng anim na patay ang Dinagat Islands.

Ito ay dahil sa mga sakit na hatid ng kawalan ng malinis na inuming tubig.

Sa latest situational report ng Dinagat Islands Provincial Disaster Risk Reduction and Management officer Rosario Alon Jr., sinabi nito na nananatili sa 25 ang iniwang patay ng bagyo sa kanilang lalawigan.

Nadagdagan naman ang kaso ng acute gastroenteritis dahil sa kawalan ng malinis na supply ng tubig kung saan umabot na sa 123 mula sa mga bayan ng Dinagat, San Jose, Tubajon, Basilisa at Cagdianao at tatlo ang patay.

May 23 kaso naman ng severe dehydration at na-admit sa Dinagat District Hospital kung saan tatlo na ang binawian ng buhay.

Ang provincial government ay nagtayo na ng kanilang government center sa garahe ng capitol building sa Barangay Cuarinta sa bayan ng San Jose.