DAVAO CITY – Nasa anim na ang naitalang patay bunsod ng patuloy na pag-ulan sa Davao region.
Batay sa ulat ng Provincial Government ng davao de Oro, dalawa ang naitalang patay sa Munisipalidad ng New bataan, tatlo sa maragusan at isa sa Pantulan.
Kinilala ang mga biktima na sina Mimai Pagantupan, residente ng Barangay Cagan, Andap, New Bataan, Davao de Oro na namatay matapos malunod, Junjun Romagos, residente ng Barangay Camanlangan, New Bataan, Davao de Oro na natabunan sa landslide, Marcilla Bantasan, residente sa Pantukan, Davao de Oro na nalunod sa baha, Ananias Andoy, 56 anyos, Virginia Buhian, 59 anyos at Jerlyn Lada, 12 anyos pawang mga residente ng Purok Buongon, Sitio Saranga, Barangay Poblacion, Maragusan na natabunan sa landslide.
Samantala inihayag naman ni Ednar Dayanghirang, Regional Director ng Office of the Civil Defense Region 11 na batay sa natanggap nilang initial record nasa 52 na mga kalsada ang hindi madaanan, at umabot naman sa walong tulay ang gumuho.
Dagdag pa ni Dayanghirang na nasa 278,000 na mga residente o katumbas ng 80,000 na pamilya ang apektado ng pagbaha at landlside sa buong Davao region at pinangangambahan na madadag-dagan pa ang naturang bilang dahil nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon ang mga pag-ulan sa Davao Oriental, Davao de oro at Davao del Norte.
Inihayag din ni Dayanghirang na nangangailangan na ng mabisang paraan ang gobyerno upang matugunan ang malawakang epekto at mga danyos ng mga kahalintulad na pangyayari sa gitna ng pabago-bagong takbo ng panahon.