KALIBO, Aklan – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard-Aklan sa pagtaob ng isang dragon boat na ikinasawi ng pitong katao sa Sitio Tulubhan, Barangay Manoc-Manoc sa Boracay, kaninang umaga.
Kinilala ang ilan sa mga namatay na sina Vince Natividad, mag-asawang Johan Tan at Maricel Tan, Rachel Montoya, Rose Antonette Supranes at Mark Vincent Navarete, pawang miyembro ng Boracay Dragon Force na nakabase sa tanyag na isla.
Sa report naman ng PNP Region-6 umaabot umano sa walo ang nasawi.
Ayon sa isang nakaligtas, nasa layong 300 meters mula sa dalampasigan na sila ng Tulubhan nang pasukin ng tubig-dagat ang kanilang 20-seater dragon boat.
Ang ilan sa kanila ay kumapit sa lumubog na bangka, habang ang iba ay pinilit na lumangoy pabalik sa dalampasigan.
Ang mga nakaligtas ay patuloy na ginagamot sa ospital sa Boracay.
Sa inisyal na report, nabatid na balak sana nilang umikot sa beach front habang nagsasanay subalit hinampas sila ng malakas na alon dahilan ng kanilang pagtaob.
Sinabi naman ng PCG na nasa 21 ang sakay ng bangka at kabilang sa nakaligtas ay isang Russian at Chinese national.
Ang team na Dragon Force ay magsasanay sana para sa paparating na international competition.