-- Advertisements --

Nag-iwan ng anim na kataong patay ang sunog na sumiklab kaninang madaling araw sa Bagong Silang, Caloocan City.

Nakilala ang mga namatay na sina Joanne Roxas; kaniyang mga anak na sina RJ, Jaypee, Robert, at tatlong buwang sanggol na si Niño; at pinsan nitong si Eduardo Peregrino.

Nagsimula umano ang apoy bandang alas-2:00 ng madaling araw na nagmula sa isang kandila.

Sinasabing natutulog ang mga biktima nang sumiklab ang apoy.

Nagising na lamang ang panganay na anak ni Joanne na si Benedict dahil sa apoy kaya agad nakalundag mula sa second floor ng kanilang bahay.

Hindi na umano nito nagawang isalba pa ang mga kapatid at nanay dahil sa biglang paglaki ng sunog.

Batay sa pahayag ni Benedict, nahulog ang kandila sa taas ng carton boxes kaya mabilis ang pagkalat ng apoy.

Hirap din ang mga bumbero sa pag-apula sa naglalagablab na sunog dahil malayo sa kalye ang nasabing bahay at kailangan pa nilang pagdugtung dugtungin ang kanilang mga hose.

Hindi naman makapaniwala ang padre de pamilya sa nangyari kung saan nasa trabaho ito dahil may overtime.