Nasa anim na mga persons of interests ang tinukoy ng militar na nasa likod sa kambal na pagsabog sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, may natukoy na raw silang anim na katao na nasa likod ng pagsabog at nakilalang mga miyembro ng Ajang Ajang group.
Aniya, ito ay batay sa nakuhang CCTV footage at kanila na itong iniimbestigahan.
Una nang sinabi ng militar na mga bandidong Abu Sayyaf ang responsable sa kambal na pagsabog, na kumitil sa buhay ng 20 katao.
Inamin naman ni National Security Adviser Hermogenes na isa sa nakita sa CCTV footage ay kamag-anak umano ng isang ASG commander kaya sinusuri na ito ngayon ng militar.
Tumanggi naman si Esperon na pangalanan kung sino ang nasabing commander dahil may isinasagawang follow-up operations laban sa mga suspek na nasa likod ng pagsabog.
Samantala, tukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang isa sa mga suspected bombers na nakuha sa CCTV footage na nakilalang si Alias Kamah, kapatid ng napatay na ASG sub-leader noong nakaraang taon.