-- Advertisements --

Naiuwi na sa Pilipinas ang anim na Pilipinang biktima ng human trafficking sa Syria.

Ayon kay Foreign Affairs Usec. Sarah Arriola, nitong Sabado ng hapon nang makabalik sa bansa ang naturang mga Pilipina, na binigyan agad ng tulong pinansyal.

Ito rin aniya ang unang batch ng mga biktima ng human trafficking na inuwi sa bansa, mula sa 38 Pilipinang nananatili sa isang shelter sa Damascus makaraang tumakas sa kanilang mga amo dahil umano sa pangmamalupit sa kanila.

“The victims have prepared their complaint-affidavits at the shelter in Damascus with the assistance of the Philippine Embassy,” saad ng DFA sa isang pahayag. “The Department lobbied hard with the Syrian authorities and employers to secure exit clearances for the repatriates.”

Sinabi pa ng kagawaran, iligal umanong ni-recruit ang nasabing mga Pinoy sa Syria habang sila ay mga turista sa Dubai.

Tiniyak naman ng DFA na tutulungan nila ang mga biktima sa paghahain nila ng kaso sa korte, maging sa paglalakad ng mga requirements sa immigration para sa kanilang mga kasamahan na nananatiling nasa Gitnang Silangan.