-- Advertisements --

Nasa anim na pulis pa ang nawawala o missing in action sa Marawi City.

Ayon kay PNP chief police Director General Ronald dela Rosa na hindi pa rin nila makontak ang nasabing mga pulis na nasa sentro pa ng siyudad kung saan nagpapatuloy ang mainit na labanan.

Sinabi ni Dela Rosa na wala silang ideya kung nagtatago pa ang mga ito o nadakip na ng mga terorista.

Kasama sa hindi pa naa-account ang mismong chief of police ng Marawi City.

Umaasa si Dela Rosa na magkakaroon sana ng magandang resulta sa ongoing clearing operations kaugnay sa estado ng mga missing na pulis.

Sa ngayon, nanatili sa tatlong pulis ang napatay at tatlo rin ang sugatan sa Marawi encounter.

Samantala, naniniwala naman si Dela Rosa na mauubos din ang suplay ng teroristang Maute lalo na kung napapaligiran na sila ng mga government forces.

Aminado ang PNP chief na nakapag imbak pa ng pagkain at mga bala ang teroristang grupo pero kumpiyansa siyang mauubos din ito.

Muling binigyang-diin ni PNP chief na nagtutulungan ang mga narco-politicians sa Marawi at ang teroristang Maute.